Cash allowance ng public teachers para sa S.Y. 2021-2022, ipamamahagi na ng DepEd

Nakatakda nang ipamahagi ng Department of Education (DepEd) ang P5,000 na cash allowance ng mga pampublikong guro para sa School Year 2021-2022.

Ito ay bahagi ng patuloy na pagbibigay ng suporta sa pangangailangan ng mga guro sa paghahatid ng edukasyon sa gitna ng pandemya.

Naglabas ang DepEd at Department of Budget and Management (DBM) ng Joint Circular (JC) para magtakda ng mga alituntunin para sa implementasyon ng DepEd-Office of the Secretary Special Provision No. 11 in the Fiscal Year 2021 General Appropriations Act (GAA) on Cash Allowance.

Nakasaad dito na makatatanggap ang classroom teachers ng P5,000 cash allowance para sa pagbili ng mga panustos at materyales sa pagtuturo, nahahawakan o ‘di nahahawakan. Ilalaan din ito para sa pagsasagawa ng iba’t ibang uri ng pag-aaral, internet at iba pang mga gastusin sa komunikasyon, at maging sa kanilang taunang medical examination expense.

“With the help of Congress, the Department is continuously pushing for better financial support for our public school teachers. This year is actually the start of the staggered increase for our teachers’ cash allowance who are truly committed to deliver quality education despite the pandemic,” pahayag ni Kalihim Leonor Briones.

Ibibigay ang cash allowance sa mga nararapat na pampublikong guro na hindi mas maaga sa opisyal na pagsisimula ng school year, o depende sa pagpapasya ng kalihim o itinalagang mga awtoridad sakaling may mga emergencies.

Binanggit ni Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla na mahalaga ang petsa ng pagbubukas ng klase para sa mamahagi ng cash allowance.

“Importante po na magkaroon tayo ng desisyon kung kailan yung susunod na school year calendar dahil ihahanda din po namin sa finance ang pagbibigay ng cash allowance para sa ating mga guro. Last year, it is P3500, but this year this is now P5000.  Also there is transportation and teaching aid allowance for our Alternative Learning Service teachers,” ani Sevilla.

Sakop ng naturang circular ang lahat ng permanente at pansamantalang pampublikong guro, kabilang ang Alternative Learning System (ALS) Mobile at District ALS Coordinators (DALCS), sa lahat ng pampublikong elementarya, junior, at senior high schools, at community learning centers.

Kaugnay nito, ang mga guro na nasa serbisyo ng DepEd sa simula pa lamang ng unang araw ng school year hanggang sa 30 araw matapos ang pagsisimula ito ay makatatanggap ng full cash allowance. Ang mga gruo naman na nagsimula ng tungkulin na lampas sa 30 araw makaraan ang pagsisimula ng klase ay entitled sa pro-rata basis.

Hindi naman mabibigyan ng cash allowance ang mga pampublikong guro na walang teaching load, absence without leave, nasa indefinite leave of absence, maternity leave, study leave, guilty sa anumang pagkakasala na may kinalaman sa kanilang trabaho, at mga wala na sa serbisyo sa opisyal na simula ng school year.

Samantala, sa mga nagpatuloy ng tungkulin matapos ang leave at naatasan ng kahit isang teaching load sa S.Y. 2021-2022 ay magiging entitled sa cash allowance sa pro-rata na basehan.

Ibabase ang pro-rated payment ng cash allowance sa petsa ng pagsisimula ng katungkulan mula sa petsa ng pagbubukas ng klase.

Read more...