WATCH: Libu-libo nakiisa sa nationwide earthquake drill ngayong araw
Eksakto alas 9:00 ng umaga nagsagawa ng earthquake drill sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sentro ng drill ang Clark Air Base sa Pampanga na dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaan kabilang sina Phivolcs Director Renato Solidum, NDRRMC Usec. Alexander Pama at Defense Sec. Voltaire Gazmin.
Pagpatak ng alas 9:00 ng umaga, sabay-sabay na nagsagawa ng duck, cover and hold ang mga lumahok sa earthquake drill sa Clark, gayundin ang mga nasa ibang lugar sa bansa gaya ng Marikina City at sa mismong tanggapan ng Phivolcs sa Quezon City.
Sa Clark kung saan naroroon ang command post, may mga monitor din ng kaganapan ng isinasagawang drill sa ibang mga lugar.
Ang scenario ay tumama kunyari ang isang 7.2 magnitude na lindol bunsod ng paggalaw ng West Valley Fault at may lalim lamang na 5 kilometers ang lindol.
Kunyari ay naramdaman ang hanggang intensity 8 sa lindol at halos hindi na makakatayo ang mga tao habang nararamdaman ang pagyanig.
Matapos ang ilang segundong pagyanig, may mga kunyaring nasugatan, nadaganan ng debris na agad nirespondehan ng rescuers.
Ang iba pang lugar na pinagdausan ng drill ay sa Bangui, Ilocos Norte sa Region 1; Petron station sa Aparri, Cagayan; Sta. Rosa Laguna sa Region 4A; Camp Catitipan, Davao City sa Region 11.
Samantala, sa Marikina City, maging ang mga preso ay nakiisa sa drill.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.