Higit P1 bilyon halaga ng shabu nakumpiska ng PDEA sa buy-bust operations sa Parañaque City, Cavite
Kalahating oras lang ang pagitan ng dalawang buy-bust operations na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Parañaque City at Imus, Cavite na nagresulta sa pagkakakumpiska ng higit P1 bilyon halaga ng shabu.
Sa impormasyon mula sa PDEA, alas-3:30 nang arestuhin si Zhizun Chen, 38, ng Soler St., Binondo, Maynila sa parking lot ng S&R Shopping Center sa Barangay Baclaran sa Parañaque City.
Inaresto siya nang magbenta ng isang kilo ng shabu at nadiskubre sa kanyang pag-iingat ang 37 kilos ng shabu para sa kabuuang halaga na P257.8 milyon.
Kinumpiska din sa kanya ang dalawang sasakyan, isang maroon Mitsubishi Lancer at silver Chrysler.
Makalipas ang kalahating oras, naaresto naman sa Villa Nicacia sa Aguinaldo Highway sa Imus si Man Kuok Wong alias Jose Baluyot Wong, isang Chinese citizen.
Nakuha sa kanya ang 117 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P795 milyon at tatlong sasakyan.
Hindi pa alam kung magka-ugnay ang dalawang suspected Chinese drug dealers, na nakumpiskahan ng kabuuang P1.053 bilyong halaga ng hinihinalang shabu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.