Ika-117 Malasakit Center binuksan ni Sen. Bong Go sa Philippine Orthopedic Center

Personal na dumalo si Senator Christopher Go sa pagbubukas ng ika-117 Malasakit Center sa Philippine Orthopedic Center (POC) sa Quezon City.

Ito ang ika-23 Malasakit Center sa ospital sa Metro Manila at pang-walo sa lungsod ng Quezon.

Ang ibang Malasakit Center sa lungsod ay sa East Avenue Medical Center, Lung Center of the Philippines, Novaliches District Hospital, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute at Veterans Memorial Medical Center.

Kilala ang POC sa paggamot ng musculoskeletal disorders at iba pang kondisyon na may kinalaman sa buto.

Ibinahagi ni Go, ang Malasakit Center ay kapwa naisip nila ni Pangulong Duterte para matulungan ang mga mahihirap na Filipino na mabigyan ng de-kalidad na serbisyong medikal sa mga ospital na hindi na iniintindi ang gagastusin.

“Ako po ay nagtrabaho kay Pangulong Duterte for more than 22 years. Nakita ko ang puso niya para sa mga kababayan natin, lalung-lalo na sa mga pasyenteng walang pambayad sa ospital,” sabi ni Go.

Naikuwento na nito na noong nasa Davao City pa lang sila ni Pangulong Duterte, may mga dumadayo sa City Hall na mga taga-Zamboanga at Surigao at nagmamakaawa na mabigyan ng tulong.

“Sabi sa akin ni mayor, ‘Bong hindi ko matiis na hindi tulungan ang mga iyan dahil para sa akin mga Pilipino pa rin sila,” kuwento pa ng senador.

Sa Malasakit Center maari nang asikasuhin ang paghingi ng tulong sa DOH, DSWD, Philhealth at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ayon kay Go, layon nito na wala ng gastusin kahit isang sentimo ang pasyente.

Binuksan ang unang Malasakit Center sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City noong 2018 at nang mahalal na senador, kabilang sa unang panukala ni Go ay ang Malasakit Centers Act of 2019.

At kasabay ng pagbubukas ng Malasakit Center sa POC ay pinapurihan ni Go ang medical frontliners dahil sa kabila ng banta ng COVID 19 ay patuloy silang nagsa-sakripisyo at nagbibigay serbisyo sa sambayanan.

Read more...