‘Kalayaan’ ng seniors ikinatuwa ng partylist solon, makakatulong sa kumpiyansa sa bakuna

By Jan Escosio June 12, 2021 - 09:10 AM

Naniniwala si Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo Ordanes na malaki ang maitutulong ng pagpayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) na makalabas na ng bahay ang mga nakakatanda sa panghihikayat sa mga nagdududa at natatakot pa sa COVID 19 vaccine.

Ayon kay Ordanes, tiyak na marami rin ang natuwa sa naging desisyon ng IATF na makalipas ang mahigit isang taon ay palabasin na maging ang mga may edad 66 pataas basta sila ay ‘fully vaccinated’ na.

“Salamat dahil pinakinggan na ng IATF at NTF-COVID ang matagal na naming hinihiling na payagan nang lumabas ng bahay ang mga fully-vaccinated seniors,” sabi pa ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens.

Sa kabilang dako, umapila si Ordanes sa gobyerno na tiyakin na alam na ng mga barangay sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ ang pasya ng IATF ukol sa senior citizens.

“Nagkakaproblema kapag hindi updated ang barangay officials at tanod. Naiipit ang mga seniors at iba pang mamamayan. Tulad nang nangyari sa isang barangay na pinagtalunan pa kung essential o non-essential ang lugaw. Sana hindi na maulit yun,” dagdag pa ng mambabatas.

Mahalaga din aniya kung magagawa ng mga barangay na mamahagi ng masks at face shields sa mga kabarangay nilang seniors.

Sabi pa niya, hindi rin dapat pagalitan kundi pagsabihan ng maayos ng mga tanod ang mga walang suot o hindi tama ang pagkakasuot ng mask.

“Nagkaka-diprensiya kasi kapag siga-siga ang mga nagpapatupad. Hindi kailangang daanin sa galit o dahas,” paalala pa ni Ordanes.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.