United vote ng kababaihan sa 2022 elections hiniling ni Sen. Leila de Lima

Kung magkakaisa lamang ang lahat ng kababaihan at magkakaroon sila ng iisang boto, magiging maganda ang hinaharap ng Pilipinas.

Ito ang naging mensahe ni Sen. Leila de Lima sa Townhall Event for Women ng 1Sambayanan at aniya walang magandang ibubunga ang pagpili sa partisan at territorial political families.

Aniya ang layon lang ng mga ito ay para hindi mawala sa kanilang pamilya ang kapangyarihan at tanging sa popularidad lang sasandal.

“Malakas ang ugong-ugong na ‘yung nakaupo sa Malacañang ngayon ay tatakbo bilang Bise Presidente…Kung sakali man, saan na tutungo ang bayan natin? Dasal na lang ba ang ating una at huling gagawin, sabay sambit ng ‘Pagpalain nawa tayong lahat ng Poong Maykapal?'” aniya.

Ayon pa sa senadora, na kontra sa traditional politics, malaki ang epekto ng partisipasyon ng mga kababaihan sa eleksyon para matiyak na ang mga mapapagkatiwalaan at tunay na kuwalipikado lang ang mabibigyan ng puwesto.

Binanggit nito na base sa datos ng Comelec, 51 porsiyento ng mga rehistradong botante sa bansa ay mga babae.

“Pahalagahan at isapuso nating lahat ang karapatan na ito. Gamitin natin ito nang nararapat. Palakasin natin ang ating mga boses bilang mga kababaihan sa pamamagitan ng ating mga boto,” pakiusap ng senadora sa mga kababaihan.

Read more...