Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) na nakapaloob sa Monsoon trough.
Nasa gitna ng West Philippine Sea ang LPA sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ariel Rojas, huling namataan ang LPA sa layong 625 kilometers Kanluran ng Dagupan City dakong 3:00 ng hapon.
Maari aniyang maging bagyo ang LPA ngunit kikilos ito papalayo sa bansa habang papalapit naman sa southern China at northern Vietnam.
Samantala, nakakaapekto pa rin ang Monsoon trough sa bansa.
Ito ay bahagi ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nakadugtong sa Southwest Monsoon o Habagat.
Magdudulot ito ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Palawan, Occidental Mindoro, Zambales, Bataan.
Posible aniyang umabot sa katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan ang maranasan hanggang Huwebes ng gabi, June 10.
Bunsod nito, nagbabala ang PAGASA na posibleng magkaroon ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa, lalo na sa mga mabababa at bulubunduking lugar.
Samantala, sa nalalabing bahagi ng bansa kasama ang Metro Manila, sinabi ni Rojas na makararanas ng thunderstorms hanggang gabi.
Mas malakas na thunderstorms naman ang iiral sa bahagi ng sa Visayas at Mindanao.