Tugade nagbabala ukol sa online fixers, pekeng driver’s licenses
“Huwag magpaloko”
Ito ang naging babala ni Transportation Secretary Arthur Tugade matapos mapaulat na mayroong nag-aalok ng serbisyo sa social media upang makakuha ng lisensya nang hindi dumadaan sa tamang proseso.
Sa hindi lehitimong serbisyo, sinabi na makakakuha umano ng lisensya kahit walang isinusumiteng requirements, hindi nakapag-exam, o wala nang personal appearance kapalit ng mataas na halaga.
“Mali ‘ho ito. Huwag nating tangkilihim ang ganitong sistema at iwasan natin ang ganitong pamamaraan,” saad ng kalihim.
Kasabay nito, nanawagan si Tugade sa Land Transportation Office (LTO) na magsagawa ng malalim na imbestigasyon, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
“Panagutin natin ang mga nasa likod nito,” ani Tugade.
Ipinaalala rin ng kalihim sa LTO na magbigay ng mga simpleng panuntunan at pamamaraan sa pagkuha ng lisensya para makasunod ang publiko sa tamang proseso at maiwasan ang pagtangkilik sa ilegal na pamamaraan.
“Sa ating mga kababayan, nakikiusap ‘ho ako na sumunod kayo sa tamang proseso. Maiiwasan ‘ho natin ang abala at mas malaking problema sa hinaharap kung hindi peke at galing sa ilegal ang hawak ninyong lisensya,” panawagan ni Tugade.
Tiniyak nito na patuloy na inaayos ng LTO ang proseso sa pagkuha ng lisensya para masiguro na tanging mga kwalipikadong aplikante lamang ang mabigyan ng pribilehiyo na makapagmaneho sa kalsada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.