Panukala para sa pagbuo ng Metropolitan Davao Development Authority lumusot sa Senate panel
Naaprubahan na sa Senate Committee on Local Government ang mga panukala para sa pagbuo ng Metropolitan Davao Development Authority (MDDA).
Binanggit ni Sen. Francis Tolentino, ang namumuno sa komite, na sina Sens. Imee Marcos, Ronald dela Rosa at Christopher Go ang naghain ng mga panukala, samantalang may katulad din na panukala sa Kamara si Davao City Rep. Isidro Ungab (3rd district).
Aniya ang MDDA at bubuuin ng lungsod ng Davao at ilang lungsod at bayan sa mga lalawigan ng Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro, at Davao Occidental.
Suportado ni Davao City Mayor Sara Duterte ang panukala bagamat sabi nito ay kailangan konsultahin niya ang Regional Development Council hinggil sa ilang nilalaman ng mga panukala, gaya ng pagkakaroon ng kapangyarihan na magbigay ng prangkisa sa mga pampublikong sasakyan, gayundin ang eleksyon para sa mamumuno sa MDDA.
Nagpahayag na rin ang National Economic Development Authority (NEDA) ng suporta sa panukala sa katuwiran na ayon ito sa national at regional development plans ng gobyerno.
Gayundin ang DILG at sinabi ni Regional Dir. Alex Roldan malaking tulong ang MDDA sa pag-uugnayan ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Ayon naman kay Interior Usec. RJ Echiverri makakatulong ang MDDA para makasabay sa pag-unlad ng Metro Manila ang Davao Region.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.