Bilibid drug leader na ikinumpisal ang pagbebenta ng droga sa NBP, inasunto ni Sen. Leila de Lima

Sinampahan ni Senator Leila de Lima ng mga reklamong kriminal si convicted murderer Joel Capones dahil sa pagbebenta ng droga sa kabila nang pagkakakulong sa New Bilibid Prison (NBP).

Base sa isinampang complaint-affidavit ni de Lima sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office, ang kanyang reklamo ay base sa pag-amin sa korte ni Capones sa kanyang ilegal na aktibidad sa loob ng pambansang piitan.

Diin ni de Lima sa kabila nang pag-amin ay hindi sinampahan ng mga kaso si Capones, ang commander ng Sigue-Sigue Sputnik Gang sa loob ng NBP.

Paliwanag ng senadora, alam niya ang detalye ng ikinumpisal ni Capones sa korte dahil nangyari ito sa pagdalo niya sa pagdinig ng kanyang kinahaharap na kaso.

Dagdag pa niya ang pag-amin na ginawa ni Capones ay maaring gamitin laban dito dahil malinaw na may bahagi ito sa illegal drug trading sa NBP at diin niya malinaw at detalyado ang pag-amin.

Binanggit pa niya na ang pag-amin ay ginawa sa harap mismo ni Atty. Mauricio Ulep, abogado ni Capones.

Ipinagtataka din ng senadora na sa kabila ng pag-amin ay walang ginawang hakbang ang DOJ para kasuhan si Capones kahit na noong Pebrero ay sumulat na siya kay Justice Sec. Menardo Guevarra para pag-aralan ang pagsasampa ng mga kaso maging sa mga itinurong kasabwat sa loob ng NBP.

Read more...