Bala na nakapatay sa mga biktima sa Kidapawan, hindi mula sa pulis-PNP

By Kathleen Betina Aenlle April 21, 2016 - 04:19 AM

 

Inquirer file photo

Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa naging marahas na dispersal sa mga nag-protesta sa Kidapawan City noong April 1, isiniwalat ng Philippine National Police (PNP) na hindi galing sa mga pulis ang balang kumitil sa dalawang biktima sa insidente.

Ayon kay Region 12 Crime Laboratory Office chief Police Senior Superintendent Alejandro Gunao, lumabas sa kanilang ballistic examination na ang mga basyo ng bala na narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ay mula sa isang M-16 rifle.

Hindi naman kumbinsido rito sina Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano at Sen. Tito Sotto, at tinanong si Gunao kung paano niya ito nasabi gayong sa isang video, may isang pulis na may hawak na mahabang armas.

Tinanong pa ni Cayetano kung tiningnan o ininspeksyon man lang ba nila ang lahat ng M-16 ng security team.

Gayunman, patuloy na iginiit ni Gunao na negatibong sa kampo ng mga pulis nagmula ang balang nakapatay sa mga biktimang kinilalang sina Darwin Sulang at Enrico Fabilgar.

Ayon naman kay Senior Supt. Alexander Tagum na na-relieve sa pwesto bilang North Cotabato provincial police director, mayroong testigong nakakita na mayroong may bitbit na baril sa linya ng mga nagpo-protesta, at nagpaputok pa sa mga pulis.

Handa aniya siya na ilabas ang testigong iyon, ngunit nilinaw niyang hindi ito kasapi ng pulisya.

Kinwestyon naman ni Sotto kung bakit hindi inaresto ang nakita ng kanilang testigo lalo’y mayroong umiiral na COMELEC gun ban.

Samantala, para naman sa National Union of People’s Lawyers, hindi na bago ang ganitong palusot ng mga pulis na sinasabing ang mga nagpo-protesta ang may bitbit ng baril.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.