Sen. Pacquiao, pumalag sa ‘little knowledge statement’ sa kanya ni Pangulong Duterte
Bumuwelta kay Pangulong Rodrigo Duterte si Senator Manny Pacquiao sa naging pahayag ukol sa kanyang konting nalalaman hinggil sa foreign policies.
Sinabi ni Pacquiao na ikinalulungkot niya na mali ang nakarating na impormasyon kay Pangulong Duterte ukol sa kanyang naging pahayag tungkol sa isyu sa West Philippine Sea.
Pinaninindigan naman niya na ang kanyang naging pahayag ay ang pangkalahatang sentimyento ng Filipino, na kailangang manindigan ng lahat sa pakikipaglaban sa karapatan ng bansa.
Ayon pa sa Pambansang Kamao, inirerespeto niya ang sinabi ni Pangulong Duterte ngunit diin niya hindi niya ito sinasang-ayunan.
“I respect the President’s opinion but humbly disagree with his assessment of my understanding of foreign policy. I am a Filipino voicing out what needs to be said in defense of what has been adjudicated as rightfully ours,” diin ng senador.
Unang sinabi ni Pangulong Duterte sa isang panayam na hindi niya minamaliit si Pacquiao ngunit aniya, naniniwala siya na konti ang nalalaman nito ukol sa foreign policy.
Pinayuhan niya pa ito na makakabuti na mag-aral muna nang husto bago sumawsaw sa isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.