Barangay officials na iasunto ng DILG dahil sa ‘super spreader events,’ dumami pa
Ibinahagi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na marami pang mga opisyal ng barangay ang sinampahan ng kaso dahil sa kabiguan na ipatupad ang minimum health protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ayon kay Año, ang napabayaan ng mga opisyal ay masasabing ‘super spreader events’ o pagtitipon kung saan maaring marami ang madapuan ng COVID-19.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina Barangay Captain Romeo Rivera, ng Barangay 171 sa Caloocan City; Barangay Captain Ernan Perez ng Barangay San Jose sa Navotas City; Barangay Captain Marcial Lucas Melodie L. Palad ng Barangay Matiktik, Norzagaray Bulacan; Barangay Captain Facipico Jeronimo ng Barangay 181 sa Tondo, Manila; Barangay Captain Jaime Laurente ng Barangay 182 sa Tondo, Manila; Kagawad Arnel Saenz ng Barangay 182 sa Tondo, Manila; Barangay Captain Jason Talipan ng Barangay Balabag, Boracay Island; Barangay Captain Jimmy Solano ng Barangay Sambiray sa Malay, Aklan at Barangay Captain Jessica Ponteres Cadungog ng Barangay Kampuchaw sa Cebu.
Kabilang sa kanila ang namuno pa sa pa-boksing sa kalsada sa Tondo na naging viral sa social media.
Sa ulat ng kalihim kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 7, sinabi nito na sa kabuuan, 613 ang nahuli dahil sa mass gatherings at 579 sa kanila ang pinagsabihan, 28 ang pinagmulta at anim naman ang kinailangang magserbisyo sa komunidad.
Nabanggit din nito na 13,882 ang nasita dahil sa paglabag sa physical distancing at 1,055 sa kanila ang binigyan ng warning; 1,880 ang pinagmulta, 325 ang kinakailangang magsagawa ng community service at 622 ang inaresto.
Una nang binalaan ni Pangulong Duterte na ipaaaresto at pakakasuhan niya ang mga ito kapag nabigo na pigilan ang mass gathering sa kanilang nasasakupan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.