Suplay ng bakuna, magiging normal sa mga susunod na araw – Galvez

PCOO photo

Asahan nang magiging normal ang suplay ng bakuna sa bansa sa mga susunod na araw.

Ayon kasi kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., darating na sa Huwebes, Junne 10, ang isang milyong doses ng bakuna ng Sinovac at 2.2 milyong doses ng Pfizer.

Donasyon aniya ng COVAX Facility ang 2.2 milyong bakuna ng Pfizer.

7:00 ng umaga, inaasahan ang pagdating Sinovac vaccine habang 9:00 ng gabi ang pagdating ng Pfizer.

Gagamitin aniya ang mga bakuna para sa A4 o ang economic workers.

May parating din aniyang 100,000 doses ng Gameleya Sputnik V.

Kasabay nito, humihingi ng paumanhin si Galvez sa nangyaring kakapusan ng suplay ng bakuna.

Partikular ang nangyari sa Marikina, at Rizal na nakapila ang ga manggagawa pero walang dumating na bakuna.

Sinabi pa ni Galvez na paglalaanan din ng mas maraming bakuna ang mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.

Lalawakan na rin aniya ang simulation exercise para sa tamang handling ng mga bakuna.

Sinabi pa ni Galvez na 20 porsyento ng suplay ng bakuna na lamang ang nasa National Capital Region habang ang 80 porsyento ay ipinakalat na sa iba’t ibang probinsya.

Ayon kay Galvez, oras na dumating ang mga bakuna sa mga susunod na araw, hindi na ito patatagalin sa mga warehouse sa Metro Manila at ipadadala na sa ibang lugar.

Sa buwan ng Hunyo, 10 milyong doses ng bakuna ang inaasahang darating sa bansa.

Read more...