Umapila si Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo Ordanes sa mga senior citizens na nakatanggap na ng first dose ng COVID 19 vaccine na huwag kalimutan ang second dose ng bakuna.
Ginawa ni Ordanes ang apila base sa pahayag na higit isang milyong naturukan ng first dose ang hindi na nagpaturok ng kanilang second dose.
Base sa datos na inilabas ng IATF kabilang sa mga sumamblay sa kanilang second dose ay mga senior citizen.
“Importante po ang second dose mga minamahal kong seniors para ganap tayong maproteksyonan sa panganib ng COVID 19. Kung magmimintis man po kayo sa takda ninyong schedule ay wga po kayong mag-alala dahil sabi mismo ng DOH ay maari pa rin kayong magpabakuna ng second dose basta bumalik lang po kayo,” ang apila ni Ordanes.
Pagdidiin niya, napakahalaga na fully vaccinated ang mga nasa priority groups sa katuwiran na ito ang magiging daan para muling mapasigla ang ekonomiya ng bansa.
Kasabay nito ang pag-apila ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens sa gobyerno na payagan na ang mga fully vaccinated seniors na makalabas na ng kanilang bahay.
“Kung yung iba nga na hindi pa nababakunahan, may comorbidity man o wala ay nakakalabas na e bakit naman ang mga fully vaccinated seniors na nagtiwala sa siyensiya ng pagpapabakuna at sumusunod sa health protocols ay pinagbabawalan na makalabas,” ang depensa ni Ordanes para sa mga nakakatanda.