Pagpatay sa isang pulis na nakatalaga sa PNP Aviation Group, iniimbestigahan na

Nagbaba ng direktiba si Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director, Police Brig. Gen. Valeriano De Leon sa Tarlac police na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pagpatay sa isang pulis na miyembro ng PNP Aviation group.

Kinilala ang biktima na si PSsg Michael Maun, miyembro ng PNP Aviation group na nakabase sa Clark, Pampanga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng biktima ang bahagi ng Block 10, Barangay Cristo Rey sa Capas sakay ng kaniyang Toyota Altis nang mag-overtake ang isang itim na Toyota altis na may plakang ZEW 568.

Dito pinagbabaril si Maun ng dalawang hindi pa nakikilalang gunman.

Agad tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang sasakyan.

Dinala si Maun sa Ospital Ng Capas ngunit idineklarang dead on arrival.

Nakuhanan ang insidente ng CCTV at agad nagkasa ng follow-up operation para sa malaman ang pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga suspek.

Iniwan ang ginamit na sasakyan ng mga suspek sa bahagi ng Sitio Baloy sa Barangay Arangonen sa Capas.

“We will exert all our efforts and look into the bottom of this.We continue to solicit the support of the general public in order to maintain peace and order, safety and security of our communities,” pahayag ni De Leon.

Read more...