Pinayuhan ni Senate Minority Leader Frank Drilon ang gobyerno na suriin ang mga hindi nagagalaw na pondo na nakapaloob sa 2021 national budget para may maipambili ng COVID-19 vaccines.
Naniniwala si Drilon na may mga pondo sa ilang ahensiya ng gobyerno na maaring maipambili ng mga kinakailangangan bakuna.
Aniya may malaking halaga na ‘nakaupo’ lang sa Philippine International Trading Corp. (PITC), gayundin aniya ang napakalaking alokasyon sa Department of Public Works and Highway (DPWH).
“Kailangan walisin yung mga ahensya na hindi naman ginagamit ang pera. Ibili na lang ng bakuna kaysa pinapatulog ang pera. These cash sitting idly in banks or in agencies’ accounts can be tapped for the procurement of COVID-19 and fund the rollout of the government’s mass vaccination program in the coming months,” pagdidiin ni Drilon.
Kasabay nito, pinuna naman ng senador ang mabilis na pagpapalabas ng bilyong-bilyong piso para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ngunit nagkukumahog naman sa paghahanap ng pambili ng bakuna.
Una na niyang kinuwestiyon ang mabilis na pagpapalabas ng P10.6 bilyon mula sa P16.4 bilyong pondo sa Barangay Development Program ng NTF-ELCAC.
Himutok niya ang pera ay maaring ipinambili na lang ng bakuna.