Naghain ng resolusyon si Senator Risa Hontiveros para maimbestigahan sa Senado ang kabiguan ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno na maipatupad ng husto ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law.
Sinabi ni Hontiveros dapat ay bumaba ang halaga ng kuryente sa batas ayon sa batas na dalawang dekada ng umiiral.
Bukod pa dito, base sa inihain niyang Senate Resolution No. 746 layon nito na malaman ang mga pagkukulang at kabiguan ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na matiyak ang pagkakaroon ng de-kalidad, maaasahan at seguridad sa suplay ng kuryente.
Sa pamamagitan din ng naturang resolusyon ay malalaman kung uubra na maibaba ang halaga ng kuryente hanggang sa P2 per kilowatt hour sa pamamagitan ng kombinasyon ng ibat-ibang pamamaraan.
“Sa taon-taon na lang na may banta at aktwal na nangyayaring rotational blackouts at patuloy na pagtaas ng electricity rates, tila napako na ang pangako ng EPIRA na makapagbigay ng murang kuryente at maayos na serbisyo para sa bawat Pilipino,” sabi ng senadora.
Pagdidiin ni Hontiveros kailangan na malaman kung may nagpapabaya kayat hindi napapakinabangan ng husto ng milyong-milyong konsyumer ang batas.
Nabatid na ang halaga ng kuryente sa bansa ay mas mataas ng 30 porsiyento kumpara sa mga kapitbahay na bansa na miyembro ng ASEAN.