Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU) na tiyakin ang regular na pag-update sa kanilang COVID-19 data sa Vaccine Monitoring System (VMS).
Ayon kay DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya, dapat mapabilis ng LGUs ang pag-encode ng mga kinakailangang impormasyon sa naturang system upang makabuo ang gobyerno ng desisyon kung saan ide-deploy ang susunod na batch ng mga bakuna o pagpapadala ng dagdag na manpower para makatulong sa vaccination program.
Sa VMS kasi madedetermina ang tunay na datos sa national COVID-19 vaccination program.
“Napakahalaga na updated ang mga impormasyon sa inyong mga lugar para alam ng national government kung mayroon pa kayong supply ng bakuna, ilang tao na ang nabakunahan at ilang libo ang babakunahan pa, o kaya kailangan ba naming mag-deploy ng karagdagang tauhan para tumulong sa pagbabakuna sa mga lugar ninyo,” paliwanag ni Malaya.
Sa ulat na isinumite ng DILG Central Emergency Operations Center (EOC), tanging 444 o 27.17 porsyento ng kabuuang 1,634 na lungsod at munisipalidad ang nakakumpleto ng pag-encode ng kanilang datos sa VMS.
Nasa 1,190 LGUs naman ang bigong makapag-update ng kanilang data.
Ani Malaya, maari itong magresulta sa mababang vaccination level, hindi saktong deployment ng supply, o iregularidad sa bakuna tulad ng umano’y slot-for-sale.