Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Wilben Mayor, maaaring kunan ng litrato ang mga lalabag sa liquor ban na ipatutupad mula bisperas ng eleksyon (May 8) hanggang sa mismong araw ng eleksyon (May 9).
Mas maganda rin aniya na i-post sa social media ang mga makukunan na litrato at ipadala sa account ng PNP para magawan ng kaukulang aksyon.
Paalala ng pambansang pulisya sa mga mahilig tumoma, bawal ang mag inuman sa kalsada o kahit saang pampublikong lugar at bawal din ang bumili at magbenta ng anumang alak sa panahon ng liquor ban.
Sinabi rin ni Mayor na, lalong hindi papayagan na magpunta sa lugar ng botohan ang mga nakainom ng alak.