Pumalag ang Kabataan Partylist sa pagtaas ng tax rate na ipapataw ng Bureau of Internal Revenue o BIR sa mga pribadong paaralan, sa gitna pa ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Rep. Sarah Elago, napakataas at dagdag-pasanin ang 25% na pagtaas sa buwis mula sa 10%, base sa BIR Revenue Regulation 5-2021.
Dapat anyang muli itong pag-aralan lalo’t ipapatupad ito sa kasagsagan pa ng pandemya at panahon na walang sapat na ayuda o subsidiya para sa sektor ng edukasyon.
Lubhang apektado anya ng tax rate increase ay ang maliliit na pribadong paaralan, at tiyak na tataas ang matrikula at iba pang bayarin.
Dagdag ng mambabatas, marami nang nawalan ng trabaho sa sektor ng edukasyon dahil nagsara at may naka-amba pang magsara na mga eskwelahan dulot ng pagbagsak ng student enrollment at gastos sa flexible learning.
Sa datos ng kongresista, aabot sa 900 na private schools ng K-12 ang nagsara, habang naapektuhan ang hindi bababa sa 56,000 na estudyante at 4,400 na mga guro. Maliban dito, may mga kolehiyo na tumigil na rin sa operasyon.