Ipinaalala ni Senator Sherwin Gatchalian kay Energy Secretary Alfonso Cusi na kasama sa mga pangunahing responsibilidad nito ay tiyakin na may sapat na suplay ng kuryente para sa mamamayan sa lahat ng oras.
“One cannot blame the public of ‘dramatizing the brownouts.’ If there are unending threats of yellow and red alert hanging on your head while the whole country is struggling to go back to normal,” aniya.
Tugon ito ni Gatchalian sa sinasabing naging pahayag ni Cusi na ‘drama’ lang ang mga reklamo ukol sa kakulangan at pagkawala ng suplay ng kuryente.
Diin pa ng senador, hindi masosolusyonan ng turuan at sisihan ang isyu sa suplay ng kuryente sa bansa.
“The last thing DOE wants is to end its term with a legacy of brownouts,” dagdag pa nito.
Samantala, sa hiwalay na reaksyon naman ni Sen. Koko Pimentel, hinamon niya ang DOE na ipaliwanag ang pagkawala ng kuryente ng 11 oras sa Fairlane Subd. Marikina City noong gabi ng Hunyo 1 hanggang kinabukasan.
Aniya, dapat ay kumpirmahin o itanggi ng DOE ang brownout sa naturang lugar, ibigay din aniya ang dahilan at kung sino ang dapat sisihin.