Umabot na sa mahigit 440 na katao ang naitalang nasawi sa malakas na lindol na tumama sa Ecuador.
Sa latest na death toll na inilabas ng Defense Minister ng nasabing bansa, 443 na ang kabuuang bilang ng nasawi at mayroong 4,000 ang nasugatan.
Sinabi ni Defense Minister Ricardo Patiño na ito na ang maituturing na “worst tragedy” sa bansa sa loob ng animnapung taon.
Aminado din si Patiño na nahihirapan sila ngayon sa isinasagawang pag-rescue at pag-recover sa katawan ng mga biktima.
Posible rin aniyang patuloy pang madagdagan ang death toll sa susunod na mga araw. “We’re removing debris, and we will very likely find more bodies,” ayon kay Patiño.
Ang magnitude 7.8 na lindol ang pinakamalakas na lindol na tumama sa Ecuador mula noong 1987.
March 1987 nang masawi ang 1,000 katao matapos na mairekord ang magnitude 7.2 na lindol sa nasabing bansa.
Noon namang 1949 ay isa ring malakas na lindol ang tumama sa Ecuador at aabot sa 5,000 ang nasawi.