Pagdalo sa PDP-Laban council meeting, walang kinalaman sa pagpalya ng ilang planta ng kuryente – Cusi

By Chona Yu June 03, 2021 - 05:48 PM

Iginiit ni Energy Secretary Alfonso Cusi na walang kaugnayan ang pagdalo niya sa council meeting ng PNP-Laban kamakailan sa Cebu, sa nangyaring pagpalya ng ilang planta ng kuryente na nagresulta sa rotational brownout.

Ayon kay Cusi, nagkataon lamang na sumabay sa schedule ng pagdalo niya ng council meeting ang problema sa mga planta.

Pero, hindi naman aniya ito dahilan para sabihing nagpapabaya siya sa tungkulin.

Paliwanag ni Cusi, pribado ang nagmamay-ari sa mga planta at hindi naman gobyerno ang nagpapatakbo nito para sabihing nagpabaya sila sa tungkulin kaya nangyari ang breakdown ng kuryente.

Sa katunayan, sinabi ni Cusi na sa limang taon niya sa departmento, ngayon lamang nagkaroon ng ganitong aberya.

Bagaman sa mga nagdaang taon aniya ay may mga naitatala silang yellow at red alerts sa power situation, hindi naman aniya ibig-sabihin nito na nagkaroon ng mga brownout.

Depensa pa ni Cusi, sa limang taon niya sa pwesto, nagawa nilang makapag-build up ng kapasidad ng kuryente ng hanggang 30 porsyento.

Patuloy din aniya silang nagpapatupad ng mga programa at naglalatag ng mga hakbang para matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa mga susunod pang mga panahon.

PInag-aaralan din aniya nila ang pagpasok sa energy mix ng nuclear power at hydrogen power para hindi lang sa iisang source ng energy umasa ang bansa.

TAGS: Alfonso Cusi, Inquirer News, Kuryente, Radyo Inquirer news, rotational brownout, Alfonso Cusi, Inquirer News, Kuryente, Radyo Inquirer news, rotational brownout

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.