Natangay ang isang taxi sa bahagi ng South Triangle sa Quezon City.
Dumulog sa station 10 ng Quezon City Police District (QCPD) ang driver na si Jardelen Celino, matapos tangayin umano ng kaniyang pasahero ang minamaneho niyang “Kapitan Elias” taxi na may plate number na UWJ 688.
Ayon kay Celino, sumakay sa bahagi ng Alimall Cubao sa P. Tuazon ang lalaking suspek para magpahatid sana sa Mindanao Avenue.
Habang nasa biyahe ay nakiusap umano sa kaniya ang pasahero na dumaan sa South Triangle sa Quezon City dahil may idadaan siyang wallet.
Sinabi ni Celino na pagdating sa Lozano Street sa South Triangle, nakiusap sa kaniya ang pasahero na ihulog niya sa mail box ng isang bahay ang wallet dahil nahihilo umano ito at hindi na makababa ng taxi.
Bumaba naman ng kaniyang taxi si Celino, kinuha ang wallet sa pasahero at nagtungo sa mailbox na itinuro sa kaniya.
Pero bigla umanong pinaharurot ng suspek ang taxi tangay pati ang kaniyang kinitang pera, wallet at cellphone.
Ang wallet na ipinahuhulog sa mailbox ng suspek ang tanging naiwan kay Celino.
Sinabi ni Celino na hindi pa niya naaabisuhan ang kaniyang employer sa insidente dahil lahat ng gamit niya ay kasamang natangay.
Inilarawan ni Celino ang suspek na matangkad, payat, may bigote at may itsura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.