Lusot na sa House Committee on Local Government ang panukala na nag-aatas sa lahat ng mga lalawigan, lungsod, munisipalidad at barangay na maglaan ng hindi bababa sa 10 porsiyento ng kanilang internal revenue allotment (IRA) para sa health services.
Inaprubahan ng komite ang watered-down version ng House Bill 9204, o “Lokal na Pamahalaan Kabalikatan sa Pag-Abot ng Kalusugang Pangkalahatan Act”, kung saan ang original proposal ay 15 percent.
Sa pag-sponsor ng kanyang bill, iginiit ni Quezon Rep. Angelina Helen Tan na gaya ng mga inisyatibo sa pagpapaunlad ng lokalidad, napakahalaga rin ng pagkakaroon ng de-kalidad at accessible na serbisyong pangkalusugan lalo na ngayong may pandemya.
Sabi ni Tan, base sa kanyang pakikipag-usap sa Department of Health, plano talaga nitong isulong ang renationalization ng healthcare system..pero nagiging isyu ang Mandanas-Garcia Ruling.
Dahil dito’y inaamyendahan rin ng panukala ang Section 287 ng Local Government Code (LGC) para matiyak ang paglalaan ng 10% ng IRA sa health services sa lahat ng LGUs.
Ang panukalang appropriation ay bukod pa sa anumang nakalaan para sa health services sa ilalim ng umiiral na development projects sa ilalim ng LGC at ng Special Health Fund (SHF) na bahagi naman ng Universal Health Care Act (UHC).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.