Brand ng COVID-19 vaccine para sa gagawing solidarity trial sa Pilipinas ilalabas na ng WHO

June 02, 2021 - 08:58 PM

Inaasahang maisasapubliko na sa mga susunod na linggo ng World Health Organization (WHO) ang brand ng COVID-19 vaccine na gagamitin para sa isasagawang solidarity trial sa Pilipinas.

Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, pinuno ng komite na layunin ng briefing na ipabatid ang efforts ng gobyerno, suriin ang mga isyu, gaps at mga hamon gayundin ang mga pagsisikap para malagpasan ang kinakaharap na COVID-19 health crisis.

Sa update ng project leader na si Dr. Jodor Lim, sinabi nito na maaaring sa loob ng dalawang linggo ay mai-aanunsyo na ng WHO kung ano ang unang bakuna na gagamitin sa solidarity trial, habang halos isang buwan naman para sa ikalawang bakuna.

Aminado si Dr. Lim na natagalan sa paghahanda para sa solidarity trial dahil hindi pa agad matukoy ang bakuna na gagamitin bunsod na rin ng isyu ng suplay ng COVID-19 vaccines sa buong mundo.

Nasa 15,000 na participants, na may edad 18 hanggang 60 na taong gulang, ang makikibahagi sa randomized trial, na target na magtapos sa March 2022.

Dagdag ni Dr. Lim, ang tututukan muna para sa solidarity trial ay ang National Capital Region o NCR, pero posibleng palawakin pa ito o maisama ang mga lugar sa labas ng NCR.

Samantala, umaapela si Tan sa Department of Health (DOH) at sa iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno na bantayan ang paggamit ng antibody tests.

Nababahala ang ilang mga kongresista na posibleng makaapekto sa confidence ng mga Pilipino sa bakuna ang neutralizing antibody tests dahil matapos sumailalim dito ay marami sa mga nabakunahan ang may mababa o zero ang level ng antibodies sa katawan.

Giit ni Tan, dapat na i-monitor o bantayang mabuti at i-regulate ang mga health facilities na nagaalok ng serology testing para sa antibodies.

Aniya, ito ay upang maprotektahan ang integridad ng vaccination program ng pamahalaan at maisulong din ang kumpyansa ng mga Pilipino sa bakuna.

TAGS: covid 19 vaccine, Rep. Helen Tan, Solidarity Trial, World Health Organization, covid 19 vaccine, Rep. Helen Tan, Solidarity Trial, World Health Organization

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.