Handa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng tulong sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Dante.
Sa ngayon, mayroong total standby resources ang kagawaran na ₱1.105 bilyon; ₱225 milyon para sa standby funds, ₱113 milyon para sa 222,382 family food packs, at ₱766 milyon para sa iba pang food at non-food items.
Maliban dito, may naihanda ang DSWD Central Office (CO) na kabuuang ₱181.2 milyong standby funds para sa response at early recovery operations sa kasagsagan ng kalamidad.
Samantala, mayroong walong evacuation centers ang DSWD sa Regions I, II, III, IV-A, V, VI, VIII, at CARAGA.
Nakaantabay din ang 2,602 Quick Response Team members sa kanilang 17 field offices at central office sakaling kailanganin ang dagdag na deployment.
Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang kagawaran sa mga ahensya ng gobyerno at local government unit (LGU) para sa mas maayos na koordinasyon ng mga response operation.
Hinimok ng DSWD ang publiko na manatiling mapagmatyag at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.