Patay sa suicide attack sa Kabul, umabot na sa 28

 

Hindi bababa sa 28 ang patay, habang mahigit 300 naman ang sugatan makaraang sumabog ang isang truck bomb ng Taliban sa Kabul, Afghanistan.

Naghudyat pa ng matinding bakbakan sa pagitan ng mga rebelde at pwersa ng pamahalaan ang nasabing pagpapasabog.

Nabalot ng makapal na usok at bubog ng mga nabasag na bintana ang mataong lugar sa central Kabul kung saan napili ng suicide attackers ng Taliban na pasabugin ang isang truck na punung-puno ng mga pampasabog.

Ang nasabing pagpapasabog ng Taliban ang pinakaunang pag-atake ng grupo mula nang ianunsyo nila noong nakaraang linggo ang simula ng kanilang “spring offensive” o taunang mga pag-atake.

Ayon kay Kabul police chief  Abdul Rahman Rahimi, pagkatapos magpasabog, isa pang attacker ang nakipagbarilan naman sa mga pwersa ng pamahalaan sa loob ng ilang oras bago tuluyang napatumba.

Ilang oras naman matapos ang naunang suicide attack, isa pang malakas na pagsabog ang narinig sa Kabul, ngunit hindi pa matiyak kung may nasawi pa ba dahil dito.

Mariin naman itong kinondena ni Afghan President Ashraf Ghani, at sinabing isang karuwagan ang ginawang pag-atake ng mga terorista.

 

Read more...