Palasyo, sang-ayon kay Sen. Marcos na tapos na ang ‘boksing’ kung tatakbo si Pangulong Duterte bilang VP sa 2022 polls

By Chona Yu June 02, 2021 - 04:00 PM

Photo grab from RTVM Facebook

Sang-ayon ang Palasyo ng Malakanyang sa pahayag ni Senador Imee Marcos na tapos na ang ‘boksing’ kung tatakbong bise presidente ng bansa sa 2022 elections si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi maikakaila na sa nakalipas na anim na buwan, nanatiling mataas ang trust at satisfaction rating ni Pangulong Duterte.

Hindi aniya bumababa sa 90 hanggang 91 percent ang ratings ng Pangulo kahit pa napakaingay ng mga kritiko.

Ayon kay Roque, ang pag-uusapan na lamang ay kung sino ang magiging running mate ni Pangulong Duterte.

Pero agad na paglilinaw ni Roque, sa ngayon, hindi pa nakapagde-desisyon ang Pangulo kung sasabak pa sa pulitika sa susunod na eleksyon.

Pinag-iisipan pa aniya ng Pangulo ang naturang bagay.

“Well, ako po’y sang-ayon naman po doon ‘no. At talagang malinaw naman po na sa anim na buwan na nakita ko ang datos, hindi po bumaba sa 90-91 ang trust at satisfaction rating ng ating Presidente bagama’t napakaingay ng kaniyang mga kritiko ‘no. So wala naman pong isyu doon ‘no. Ang pag-uusapan nga lang po ngayon ay sino ang magiging running mate, kung tatakbong presidente. Pero hindi pa nga po nagdidesisyon ang Presidente; ang sabi naman po niya ay pag-iisipan pa po niya,” pahayag ni Roque.

Noong kamakalawa lamang, nagpulong ang partido ni Pangulong Duterte na PDP-Laban para himukin ang punong ehekutibo na tumakbong bise presidente para maipagpatuloy ang mga programa ng administrasyon.

TAGS: 2022 elections, Harry Roque, Inquirer News, Radyo Inquirer news, 2022 elections, Harry Roque, Inquirer News, Radyo Inquirer news

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.