Sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Office of the Ombudsman si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan at dalawang opisyal ng lungsod at ang Undersecretary ng Department of Education (DepEd).
Ito ay dahil sa pagbili ng mga 64,000 na piraso ng tablets na nagkakahalaga ng P320 milyon.
Base sa inihaing reklamo nina Caloocan City Councilors Christopher PJ Malonzo, Marylou Nubla at Alexander Mangasar, dispalinghado ang mga tablet at hindi nagagamit ng mga estudyante sa kanilang online class.
Kasama rin sa mga kinasuhan sina Education Undersecretary Alain del Pascua, Caloocan City Treasurer Analiza Mendiola, Bids and Awards Committee chairman, Engineer Oliver Hernandez at Annalou Palarca na supplier ng substandard tablet ng Cosmic Technology Incorporated.
Nagsabwatan umano ang mga akusado para bilhin ang tablet na nagkakahalaga ng P4,390 na Cherry Cosmos 7 kahit na outmodel na at basura na ang quality.
Bukod dito, hindi rin dumaan sa maayos na bidding ang pagbili ng mga gadget.
Wala pa namang sagot ang kampo ni Malapitan sa reklamong inihain sa Ombudsman.