Hindi illegal at walang nilalabag sa Konstitusyon kung tatakbong bise presidente ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte sa May 2022 elections.
Ayon kay PDP-Laban Vice President for External Affairs Raul Lambino, kaya itinutulak ng kanilang partido na tumakbong bise presidente si Pangulong Duterte dahil na rin sa malawak nap ag-uudyok at paghimok ng taong bayan para maipagpatuloy ang mga programang sinimulan ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi pa ni Lambino na mula nang magsagawa ng konsultasyon ang kanilang partido sa ibat-ibang bahagi ng bansa, marami silang natanggap na petisyon at manifesto na humihikayat kay Pangulong Duterte na sumabak ulit sa pulitika.
Inihalimbawa pa ni Lambino ang kaso nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na tumakbong kongresista ng Pampanga at dating Pangulong Joseph Estrada na tumakbong mayor ng Maynila.
Isa sa mga posibleng makatandem ng Pangulo ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Pero hanggang ngayon, wala pang pahayag si Mayor Sara kung sasabak siya sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa.