DepEd, Social Watch Philippines nagkasundo na palakasin pa ang Smoke-Free Philippines campaign
Sa paggunita sa araw ng Lunes, May 31, ng World No Tobacco Day, pumirma ang Department of Education o DepEd at Social Watch Phillipines ng isang memorandum of agreement (MOA) para palakasin pa ang isinusulong na Smoke-free Philippines campaign.
Nais ng DepEd at Social Watch na maalis na ang designated smoking area sa lahat ng mga pribado at pampublikong lugar.
“Malaki ang papel na ginagampanan ng Social Watch Philippines sa usaping pangkalusugan. Wala pa ako sa DepEd, ay naninindigan na ang SWP sa iba’t ibang isyung panlipunan lalo na sa laban ng paninigarilyo. Kaya kami sa DepEd ay talagang fully committed as an institution to fight smoking,” sabi ni Education Sec. Leonor Briones.
Nakapaloob din sa kasunduan ang pagpapatibay ng Tobacco Free Universities and Schools o TOFUs na pangungunahan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Magiging laman na rin sa K-12 curriculum ang Tobacco Control at magiging katuwang ng kagawaran ang SWP sa paggawa ng mga learning materials.
“Inilagay sa sentro ng pandemyang ito ang isyu ng kahalagahan sa pag-iingat ng ating kalusugan. Sabi sa ilang mga aral, napapalala ng paninigarilyo ang epekto ng COVID-19 sa katawan. Kaya kung wala kang gagawin para labanan ang paninigarilyo, nagiging dahilan ka rin ng pagkakasakit ng ibang tao,” ayon naman kay Jessica Concepcion Cantos ng Social Watch Philippines.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.