Tugade hinikayat ang displaced drivers, konduktor, OFWs na magtrabaho sa mga proyekto ng DOTr

DOTr photo

Nais ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade na tumanggap ng mga driver at konduktor ng public utility vehicles, at maging overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa gitna ng COVID-pandemic, para sa mga proyekto ng kagawaran tulad ng Philippine National Railways (PNR) Clark Phase 1 Project.

Sa inspeksyon ng Valenzuela at Bulacan segments ng PNR Clark Phase 1 Project noong May 26, 2021, sinabi ng kalihim na nasa 200 dating OFWs ang nagtatrabaho na sa naturang proyekto.

Kasabay nito, hinikayat ni Tugade ang iba pang displaced OFWs na makiisa.

“Ang sabi ko sa mga contractor, paramihin n’yo pa. Kung mayroon kayong kapitbahay, kamag-anak, mahal sa buhay, kaibigan na gustong maghanapbuhay, papuntahin n’yo dito. Kung qualified, tutulungan natin. Para nang sa gayon ‘yung 200 ay madagdagan pa,” pahayag nito.

Hinikayat din ni Tugade ang iba pang displaced workers sa transport sector, kabilang ang PUV drivers na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, na magtrabaho sa DOTr projects.

“Kung may mga kakilala kayong mga kunduktor, mga jeepney driver na gustong maghanapbuhay, kung qualified eh pumunta dito at bibigyan natin sila ng pagkakataon,” dagdag nito.

Nasa 7,500 empleyado ang natanggap sa kasagsagan ng konstruksyon ng proyekto, habang dagdag na 2,000 trabaho ang bubuksan oras na maging operational na ito.

Ang PNR Clark Phase 1 ang magkokonekta sa Tutuban, Manila at Malolos, Bulacan

Sa ngayon, sinabi ng DOTr na nasa 45.82 porsyento na ang overall progress rate nito.

Oras na makumpleto, inaasahang kaya nang ma-accommodate ng 38-kilometer rail line ang 300,000 pasahero kada araw.

Mababa rin ang travel time mula Malolos, Bulacan hanggang Tutuban, Manila sa 35 minuto.

Read more...