PNP, 100 porsyento nang handa para sa COVID-19 vaccine rollout sa bansa

By Angellic Jordan May 31, 2021 - 02:32 PM

PNP photo

Handa na ang Philippine National Police (PNP) para sa deployment ng kanilang mga tauhan para sa mabilis na pag-arangkada ng COVID-19 vaccine rollout sa bansa.

Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, mahigpit nang nakikipag-ugnayan ang lahat ng police units at offices sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapabakuna sa kani-kanilang nasasakupan.

“Ito ay matagal na nating napaghandaan bilang tugon ng PNP sa national vaccination program. Inatasan na natin ang lahat ng mga local police commanders na makipag-ugnayan sa ating mga LGUs para agad matugunan ang mga pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan, ito man ay sa seguridad o sa manpower na magtuturok ng COVID-19 vaccine sa ating mga kababayan,” pahayag ni Eleazar.

Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang pagtatalaga ng 35,415 police personnel upang asistihan ang transportasyon ng mga bakuna sa bansa.

Itinalaga naman ang karagdagang 13,840 pulis para sa pagpapatupad ng minimum public health safety protocols at pagtitiyak ng seguridad sa iba’t ibang vaccination sites sa bansa.

Sinabi rin ng hepe ng PNP na nakahanda na rin ang PNP Medical Reserve Force para sa pagpapabilis ng inoculation process sa ilang lugar na nangangailangan ng tulong.

“Handa na rin po lahat ng PNP assets, kabilang dito ang ating fast boats at helicopters, para sa pagdadala ng bakuna sa iba’t ibang panig ng bansa,” saad ni Eleazar.

Dagdag pa nito, “Kailangan pong maiparating natin itong bakuna sa lahat ng mga residente, kahit doon sa pinakamalalayong lugar. Lahat po tayo ay kailangang maproteksyunan laban sa nakamamatay na coronavirus.”

Siniguro naman ng PNP Chief na lahat ng pulis na ide-deploy ay bibigyan ng protective gear, vitamins at supplements para maging ligtas laban sa COVID-19.

TAGS: Inquirer News, PNP chief Guillermo Eleazar, PNP vaccine rollout, Radyo Inquirer news, Inquirer News, PNP chief Guillermo Eleazar, PNP vaccine rollout, Radyo Inquirer news

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.