Intelligence-based probe ng US sa ugat ng COVID 19 tamang hakbang sabi ni Sen. Leila de Lima
Isang malaking hakbang, ayon kay Senador Leila de Lima, ang utos ni US President Joe Biden na mas malalimang pag-iimbestiga sa tunay na pinagmulan ng COVID 19.
Diin ni de Lima, nararapat lang na malaman ng buong mundo ang katotohanan at para ang masulat sa kasaysayan para sa susunod na mga henerasyon ay hindi gawa-gawa lang na detalye.
“Truth is always an imperative of the highest order. This generation, and the next, would not want a farcical narrative written in the world history books about this unprecedented catastrophe that killed our loved ones,” sabi pa ni de Lima.
Noong nakaraang Linggo, ipinag-utos ni Biden ang kanyang intelligence officials na paigtingin pa ang pag-iimbestiga sa pinagmulan ng 2019 coronavirus kasama na ang posibilidad na ito ay ‘nakalabas’ mula sa isang Chinese laboratory.
Inaasahan ni Biden na matatanggap niya ang ulat sa pag-iimbestiga sa susunod na tatlong buwan at nanawagan siya sa China na makipagtulungan sa imbestigasyon.
Samantala, sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesman Zhao Lijan na ang ‘origin tracing’ ng COVID 19 ay seryosong scientific-issue at ang nais naman ng US ay ‘intelligence based.’
Aniya may sariling interes at motibo ang US sa nais nitong pag-iimbestiga sa ‘laboratory leak theory.’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.