House panel ‘fastbreak’ approval ng Maynilad, Manila Water franchises, binutasan
Kinuwestiyon ni House Deputy Speaker at Bagong Henerasyon partylist Representative Bernadette Herrera ang pag-apruba ng dalawang panukala para sa pagbibigay ng legislative franchises sa Maynilad at Manila Water.
Ayon kay Hererra tila minadali ng House Committee on Legislative Franchises ang pag-apruba sa franchise applications ng dalawang water concessionaires at naniniwala siya na kapos ito para bigyan proteksyon ang mga konsyumer laban sa pang-aabuso at mga kuwestiyonableng gawain ng dalawang kompaniya.
Partikular niyang ipinunto na taliwas ang nilalaman ng House Bills 9313 at 9367 sa nakasaad sa Revised Concession Agreement (RCA) ng gobyerno at ng dalawang water concessionaires.
Aniya sa RCA magpapatuloy ang concessions hanggang July 2037 o 16 taon samantalang sa dalawang panukala ay bibigyan ng 25-year franchise ang Manila Water at Maynilad.
“What will happen after 2037? Will these concessionaires bid again to get the concession? If yes, then this must be stated explicitly in the franchise contract,” punto ni Herrera, na sinabing ang prangkisa ay dapat sabay na matatapos sa termino ng RCA.
Kailangan aniya na suriin at himayin ng husto ang nilalaman ng dalawang panukalang batas at binanggit din ang kawalan ng probisyon para sa ‘dispute resolution’ na taliwas muli sa Article XIII ng RCA.
Noong Marso, naghain ng resolusyon ang mambabatas para sa pagsasagawa ng congressional review sa pakikipag-usap ng gobyerno sa Manila Water at Maynilad dahil may karapatan aniya ang publiko na malaman kung may mga pagbabago sa kasunduan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.