May dalawa pa ring weather system na binabantayan ang PAGASA sa bansa.
Ito ay ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Easterlies.
Ayon kay PAGASA weather specialist Raymond Ordinario, nakakaapekto ang ITCZ sa Mindanao at Visayas, habang ang Easterlies naman ay umiiral sa nalalabing bahagi ng bansa.
Mahina ang epekto nito kung kaya’t hindi masyado nagdudulot ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Tanging isolated o localized thunderstorms lamang aniya ang maaring asahan.
Ani Ordinario, walang nakataas na gale warning sa alinmang bahagi ng bansa kaya malayang makakapalaot ang mga sasakyang-pandagat.
Samantala, huling namataan ang binabantayang low pressure area (LPA) sa 1,615 kilometers Silangan ng Mindanao bandang 3:00 ng hapon.
Posible aniyang pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang LPA sa Linggo.
Ngunit, maliit pa ang tsansa na maging bagyo ang LPA sa mga susunod na araw.
Tiniyak ng weather bureau na patuloy nilang tututukan ang LPA upang makapagbigay ng abiso ukol sa naturang sama ng panahon.