Nakatakdang dinggin ng House Committee on Energy ang kahandaan ng pamahalaan at pribadong sektor para sa sapat na suplay na kuryente sa May 9 national elections.
Ayon kay Rep. Reynaldo Umali, chairman ng lupon, gagawin nila ang hearing sa April 27, at pahaharapin ang mga opisyal ng energy sector at ilang concerned groups.
Sinabi ni Umali na nais ng komite na malaman ang power outlook sa mismong halalan, lalo’t automated ang sistema.
Bukod dito, ani Umali, kailangang masiguro na mayroon action plan ang gobyerno upang makatugon kapag may mga brownout sa kasagsagan ng botohan.
Dagdag ng kongresista, marapat na ipaalala sa mga kalahok ang Interruptible Load Program o ILP, lalo na kung magiging kritikal ang suplay ng kuryente sa mga darating na araw.
Batay sa datos na nakuha ng House Energy Panel, nasa 1000 megawatts ang committeed power ng aabot sa tatlong daang kumpanya na rehistrado sa ILP.
Nitong mga nakalipas na araw, nagkulang ang reserba ng kuryente kaya idineklara ng National Grid Corporation of the Philippines ang yellow at red alert.
Nagdulot ito ng pangamba sa publiko, dahil hindi bababa sa dalawampung araw na lamang bago ang halalan.