Wishful thinking ang pangunguna ni Vice President Leni Robredo sa isang presidential survey para sa 2022 elections.
Base sa PiliPinas 2022 Online Survey Platform for Presidential Candidates, nanguna si Robredo matapos makakuha ng 34.27 percent na boto, pangalawa si Davao City Mayor Sara Duterte na may 18.06 percent, Senador Manny Pacquiao na may 16.31 percent, dating Senador Bongbong Marcos na may 12.08 percent, Manila Mayor Isko Moreno na may 7.29 percent, Senador Bong Go na may 7.05 percent at Senador Grace Poe na may 4.94 percent.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi pa nga niya narinig ang naturang polling company na nagsagawa ng survey.
“Naku, mukhang wishful thinking po iyan at hindi ko pa naririnig ang polling company na iyan,” pahayag ni Roque.
Ayon kay Roque, hindi rin niya alam kung ano ang naging proseso ng kompanya sa pagsasagawa ng survey.
Ayon kay Roque, naniniwala pa rin siya sa cross sampling method na survey kung saan nakapagtrabaho na rin siya sa isang pamantasan na pinagmulan ng naturang proseso.
Iginiit pa ni Roque na pinaniniwalaan pa rin niya ang mga mapagkakatiwalaang polling company dahil batid niya ang proseso kahit na 1,200 lamang ang kinukuhang sample sa mga respondents.
Paliwanag pa ni Roque na kapag random ang statistical survey nagiging accurate ang resulta.
“Hindi ko po alam kung ano ang naging proseso ng kompanyang ito at sa totoo lang, hindi ko pa naririnig pa iyang kompanyang iyan,” pahayag ni Roque.