Sinabi ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na ipaglalaban niya sa Senado ang panukala para sa pagpasa ng Virology Institute Bill.
Kasabay nito, pinuri ni Go ang pagsusumikap ng Department of Science and Technology (DOST) at ng iba pang kinauukulang ahensiya ng gobyerno na maitayo ang Virology Institute of the Philippines sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
“Sa parte ko naman po bilang Senador at chair ng Senate Committee on Health, nangangako ako na ipaglalaban ko ang pagpasa ng virology institute bill sa Kongreso. The VIP will greatly help us in building our own capabilities when it comes to vaccine development and manufacturing, making us less reliant on the international market for vaccines,” dagdag pa niya.
Ibinahagi ng senador na may negosasyon na sa bahagi ng DOST, Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at DPWH para sa pagpapatayo ng pasilidad.
Aniya ang VOP facility ay magkakaroon ng biosafety laboratories, bukod sa greenhouse at animal house para sa pagsasagawa ng plant at animal virus research.
Ayon sa DOST, ilang Filipino virologist na nasa ibang bansa ang nagpahayag na rin ng interes na umuwi sa Pilipinas para magtrabaho sa VIP.