Panukala para sa pagpapalakas ng Sangguniang Kabataan Act lumusot sa Senado
Naaprubahan na sa third and final reading sa Senado ang panukalang maamyendahan ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.
Sinabi ni Sen. Sonny Angara ang isinulong niyang Senate Bill No. 2124 ang magbibigay ng mas malinaw na kapangyarihan sa SK bunsod na rin ng ibat-ibang isyu at hamon na kinahaharap ng organisasyong-politikal ng mga kabataan.
Binanggit pa ni Angara ang mga panawagan na lusawin na ang SK sa katuwiran na hindi naman ganap na nagagampanan ang kanilang mga mandato.
Isa sa mga nilalaman ng panukala ng namumuno sa Senate Committee on Youth ang pagbibigay ng monthly honoraria sa mga miyembro ng SK, gayundin sa SK secretary at treasurer at ito ay hanggang 25 porsiyento lang ng kanilang pondo para hindi maapektuhan ang kanilang mga programa at proyekto.
Kabilang din sa mga maaring paggamitan ng SK fund ay student stipends, pagkain, book and transportation allowance, sports and wellness projects, skills training at summer employment.
Gayundin ang cash for work para sa mga kabataan, on-the-job training at livelihood assistance.
Isinama rin ni Angara na magkaroon ng exemptions ang SK officials sa pagkuha ng National Service Training Program o NSTP at bibigyan na rin sila ng civil service eligibility kapag natapos nila ang kanilang termino.
Kinakailangan din na magtalaga ang SK officials sa Luzon, Visayas at Mindanao ng kanilang magiging kinatawan sa National Advisory Council ng National Youth Commission.
“Our youth represent a growing share of our electorate so we must support platforms that help engage them. Our work in reforming and improving the SK must continue, because the alternative—of not providing youth leadership and capacity building opportunities—would be worse,” sabi pa ng senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.