Pormal nang inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang nameless at faceless recruitment process para maalis ang tinatawag na ‘padrino system’ sa kanilang hanay.
Pinangunahan ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar ang paglulunsad ng Comprehensive Online Recruitment Encrypting System (CORES) sa Camp Crame, araw ng Huwebes.
Dinaluhan ang naturang event ng iba pang senior police officials at miyembro ng academe.
Sa ilalim ng recruitment scheme, gagamitin ang QR Code System upang matiyak ang pagtago sa pagkakakilanlan ng aplikante.
Tanging ang mga kwalipikasyon lang ng aplikante ang ie-evaluate kung matatanggap sa pambansang pulisya.
“Gusto na po nating tuldukan ang bulok na sistema ng iilang aplikante na kumakapit sa matataas na opisyal ng PNP para lamang makapasok sa organisasyon. Sa ganitong sistema, may korapsyon na kaagad eh. Iyan ang hindi natin hahayaang makapasok sa ating hanay,” pahayag ni Eleazar.
Dagdag pa nito, “Walang mukha o pangalang lalabas habang ongoing ang application process at tanging ang credentials niya lamang ang pagbabasehan kung siya ba ay tanggap sa PNP.”
Gagamitin ang QR Code System sa buong application process ng aplikante, kabilang ang Body Mass Index at agility test, drug at neuropsychiatric test, at physical, medical at dental examinations.
Matatandaang inaprubahan ng National Police Commission ang recruitment ng 17,314 bagong pulis sa taong 2021.