Impeachment complaint kay SC Associate Justice Marvic Leonen hihimayin ng House panel ngayon

By Erwin Aguilon May 27, 2021 - 09:37 AM

Isasalang na sa pagdinig ngayon araw ng House Committee on Justice ang reklamong impeachment laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

Sinabi ni Rizal Rep. Juan Fidel Nograles, ang vice chairman ng komite, pag-uusapan ngayon ang magiging gabay sa pag-usad ng reklamo.

Aalamin aniya kung sufficient in form at sufficient in substance ang reklamo na inihain ni Edwin Cordevilla, secretary general ng Filipino League of Advocates for Good Government.

Magugunita na betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution ang pinagbasehan ni Cordevilla sa paghahain ng kanyang reklamo laban kay Leonen.

Nag-ugat ito sa hindi umano pagsusumite ni Leonen ng kanyang Statement of Assets, Liability and Net Worth ng 15 ulit noong siya ay nagtuturo pa sa UP – College of Law.

Bukod pa dito ang reklamo sa pag-upo niya sa 37 kaso na nasa kanyang dibisyon gayundin ang 32 election protests na nakahain naman sa House of Representatives Electoral (HRET) kung saan siya ang nagsisilbing chairman.

Una nang nangako si Nograles na magiging patas ang komite sa magkabilang panig at ang kanilang pagpapasya ay ibabase sa mga ihahaing ebidensiya.

Nakasaad sa Saligang Batas ang mandato ng Mababang Kapulungan na unang dinggin ang impeachment complaint laban sa mga impeachable officials, kasama na ang mga mahistrado ng Korte Suprema.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.