Pagpapatindi ng vaccination rollout sa mga probinsiya hiniling ni VP Leni Robredo

Dahil sa dumadaming kaso ng COVID 19 sa mga probinsiya, hiniling ni Vice President Leni Robredo na magpadala ang gobyerno ng mas maraming bakuna sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.

Puna ni Robredo maraming probinsiya na rin ang tumataas ang bilang ng COVID 19 cases at naiintindihan naman niya kung sumentro sa Metro Manila ang karamihan sa mga dumating na bakuna dahil ang NCR ang ikinukunsiderang ‘ground zero’ ng pandemya.

Hiling nito na paigtingin pa ang pagpapabakuna sa health workers, senior citizens at barangay health workers sa mga lalawigan.

Ibinahagi niya na sa Camarines Sur, marami pa rin sa mga bumubuo ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) ang hindi pa nababakunahan bagamat sila ang unang nangangalaga ng mga may COVID 19 sa kani-kanilang lugar.

Samantala, pinuri ni Robredo ang vaccination rollout dahil dumadami na ang nababakunahan araw-ara, ngunit aniya mas bubuti ang bilang kapag naayos pa ang scheduling at distribusyon ng mga bakuna.

“Tingin ko kaya naman ubusin ng before the end of June,” sabi pa ni Robredo patungkol sa higit 1.3 million AstraZeneca doses na mag-eexpire sa katapusan ng susunod na buwan.

Read more...