Sa ika-apat na araw na pagpapatupad ng MMDA ng ‘no contact apprehension policy,’ umaabot na sa 1,115 ang bilang ng mga motorista ang nasampahan ng kaso dahil sa ibat ibang uri ng paglabag sa mga batas-trapiko.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, karamihan sa mga nakita nila sa kanilang high definition cameras na mga lumalabag ay mga driver ng mga pampasaherong bus at karaniwan nilang mga paglabag ay sa mga ‘no loading/no unloading’ areas.
Ngunit aniya, ang iba pang mga paglabag ay overspeeding, beating the red light, number coding, swerving, illegal counterflow, blocking intersections, disregarding traffic signs, making illegal turns, illegal overtaking, entering the yellow lane, paglabag sa closed door policy at paglabag sa bus segregation scheme, at iba pa.
Karamihan sa mga lumabag ay ‘nahuli-cam’ sa EDSA, Commonwealth Avenue, Diosdado Macapagal Avenue, Marcos Highway, Roxas Boulevard, C5 Road, Quezon Avenue, and iba pang mga pangunahing lansangan.
Sinabi pa ni Carlos na 15 nilang tauhan ang nakatutok sa mga monitor ng cctv cameras at aniya hanggang ngayon hapon ay wala pang nagpupunta sa kanilang tanggapan para bayaran ang multa sa ginawa nilang paglabag.
Ipinaalala nito na ang mga babalewala sa ipapadala nilang summon ay hindi na mairerehistro ang kanilang sasakyan sa LTO.