Pagtindi ng ‘Chinese intrusions’ sa pagpayag sa 100% foreign ownership sa public utilities pinangangambahan

Nagpahayag ng kanyang pangamba si Senator Risa Hontiveros na magiging daan para magmay-ari ang China ng mahahalagang imprastraktura ang pagpayag sa 100 percent ownership sa public utilities sa bansa.

Ibinahagi ni Hontiveros ang pangamba sa plenary debate sa Senate Bill No. 2094, na layon maamyendahan ang Public Service Act.

Ayon sa senadora maaring samantalahin ng China ang pagkakataon at magamit ito sa isyu ng agawan ng teritoryo.

“Hindi na nga tumitigil ang Tsina sa pag-aarangkada sa West Philippine Sea, tapos bibigyan pa natin siya ng daan para bilhin ang mga imprastaktura sa loob mismo ng ating bansa? Kinukuha na ang ating mga likas-yaman sa ating karagatan, huwag naman nating hayaang pati sariling industriya natin sa lupa China na rin ang naghahari-harian. Ano na ang matitira sa Pilipinas?” ang pagtatanong ni Hontiveros.

Sa panukalang pag-amyenda sa PSA, ang mga sektor na bubuksan sa hanggang 100% foreign ownership ay kinabibilangan ng telekomunikasyon at transportasyon.

Pagdidiin niya, hindi dapat ikompromiso ang seguridad ng bansa para sa pagsasa-ayos at pagpapabuti ng public utilities sa bansa.

Ipinaalala din niya na may mga hindi pa nalilinawang national security concerns na kinasasangkutan ng interes ng China sa National Grid Corp. of the Phils., gayundin sa Dito Telecommunity.

Noong 2019, naghain ng hiwalay na resolusyon sa Senado si Hontiveros para makapagsagawa ng security audit sa NGCP at para mabusisi ang pakikipagkasundo ng AFP sa Dito Telecom para sa pagpapatayo ng cellsites sa piling kampo-militar sa bansa.

Read more...