Mas maraming satellite voters’ registration centers, ipinatatayo sa Comelec
Pinaglalatag ng minorya sa Kamara ang Commission on Elections (Comelec) ng maraming satellite voters registration centers sa bansa.
Sa House Resolution 1796, hinihiling ng Minorya sa Comelec na dagdagan pa ang mga satellite voters registration upang mabigyang pagkakataon ang mga constituent na nais magparehistro para sa eleksyon ng susunod na taon.
Sa ganitong paraan ay hindi maiipon ang mga tao sa isang lugar kasabay ng pagtiyak na nasusunod ang safety at health protocols.
Ayon kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, nababahala ang mga miyembro ng oposisyon na hindi makamit ang target na bilang ng mga bagong botante na magpaparehistro bunsod pa rin ng limitasyon sa paggalaw dahil sa community restrictions.
Dagdag dito ay hindi rin magiging problema ang September 30 na deadline sa voters registration dahil mas madami na ang satellite registration.
Babala ni Fortun, kung hindi dadagdagan ang mga satellite voters registration ay malabong makamit ang 4 milyon na bagong voter registrants at 1 million activation ng deactivated voters.
Nangangamba rin ang kongresista na malaki ang epekto nito sa turnout ng boto pagsapit ng halalan sa 2022.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.