Pagpaparehistro ng prepaid SIM card, sagot sa online scams – Sen. Gatchalian

Senate PRIB photo

Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na matutuldukan o mababawasan ang mga kaso ng online scams kapag naiparehistro na ang lahat ng prepaid SIM cards ng telcos.

Diin ng senador, panahon na para mapabiling na ang Pilipinas sa 155 bansa, kung saan kinakailangan ang pagpapakita ng ‘proof of identity’ ng sinumang nais bumili ng SIM card para sa kanilang mobile phone.

“Hanggat walang batas na magpaparusa sa mga kawatan, hindi matatapos ang pambibiktima sa mga gumagawa ng trabaho nila ng marangal at umaasang may maiuwi sa kanilang pamilya,” katuwiran ng senador.

Ibinahagi ni Gatchalian ang isang insidente kung saan limang delivery riders ang nakatanggap ng hiwalay na orders para sa isang address sa Quezon City na nadiskubre nilang abandonadong bahay.

Dagdag pa niya, marami na ang ganitong katulad na panloloko na nagagawa sa pamamagitan ng cellphone.

Aniya, noon pang 2019 ay inihain na niya ang Senate Bill No. 176 o ang SIM Card Registration Act, kung saan ang mga bibili ng prepaid SIM cards ay kinakailangan na magpakita ng valid ID at pumirma sa control-numbered registration forms na ibibigay sa National Telecommunications Commission at sa service provider.

Read more...