Pinaigting na operasyon laban sa tupada, ipatutupad ng PNP

By Angellic Jordan May 26, 2021 - 01:57 PM

PHOTO; PNP FB

Magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng pinaigting na operasyon laban sa mga nagsasagawa ng illegal cockfights o tupada.

Ibinaba ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar ang kautusan sa mga police unit kasunod ng pagkakaaresto ng 17 katao, kabilang ang isang barangay captain, sa Calamba, Laguna dahil sa pagsasagawa ng tupada at paglabag sa minimum public health safety protocols.

“Ang ilegal na tupadang ito ang mitsa sa nakakalungkot na pangyayari kay Edwin Arnigo. Therefore, I am ordering all police commanders to launch a crackdown against this form of illegal activity,” pahayag ng hepe ng PNP.

Dismayado si Eleazar na kasama sa mga nahuling lumabag ay isang barangay captain.

Aniya, “Nakakahiya at nakakagalit na imbes na sawayin ay siya pa ang nangunang pasaway sa tupada. Hindi man lang natinag si kapitan sa nasampolan na barangay chairman sa Caloocan.”

“I am also coordinating with the SILG Eduardo Año to give the PNP the clearance to immediately file cases against barangay officials where successful anti-tupada operations would be conducted,” dagdag nito.

Nagpaalala ang PNP chief sa mga pulis na huwag masangkot sa illegal gambling activities tulad ng tupada.

“Binabalaan ko rin po ang ating PNP personnel na huwag proprotektahan o kukunsintihin ang anumang klaseng iligal na sugal, gaya ng tupada, dahil siguradong mamalasin kayo sa akin,” saad nito.

Pinasisiguro rin ni Eleazar sa police commanders na walang masasangkot sa ilegal na sugal sa kanilang mga tauhan.

Panatilihin aniya ang pagiging propesyonal at disiplinado sa lahat ng panahon.

Dagdag nito, “Kung alam ng mga pulis na hindi sila kukunsintihin ng kanilang mga pinuno, natitiyak ko na magdadalawang-isip silang gumawa ng iligal na gawain.”

TAGS: Inquirer News, PNP chief Guillermo Eleazar, police ops vs tupada, Radyo Inquirer news, tupada, Inquirer News, PNP chief Guillermo Eleazar, police ops vs tupada, Radyo Inquirer news, tupada

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.